Dating SAF Director at ilang SAF officials, sinibak dahil sa ‘nawawalang’ P60M

Sinibak sa pwesto si dating SAF Director Benjamin Lusad at ilang mga SAF officials dahil sa kontrobersya ng “nawawalang” P60 milyong pisong subsistence allowance ng mga SAF troopers.

Ayon kay PNP Spokesperson CSupt John Bulalacao, ang pagsibak kay Lusad sa kanyang huling posisyon bilang pinuno ng PNP Directorate for Integrated Police Operations sa Southern Luzon ay upang bigyan-daan ang imbestigasyon ng Ombudsman sa kaso.

Bukod kay Lusad, sinibak din sa pwesto sina dating PNP-SAF Budget and Fiscal Officer Andre Dizon, Senior Police Officer 2 Maila Bustamante at Senior Police Officer 1 Jack James Irica.

Ang mga naturang opisyal ay sinampahan ng plunder at malversation dahil sa umano’y hindi naibigay na halos P59 milyong pisong subsistence allowance ng SAF troopers noong 2016 at 2017.

Tiniyak naman ni Bulalacao na lubusang makikipag-cooperate ang PNP sa imbestigasyon ng Ombudsman.

Aniya, tamaan na ang sinumang dapat managot basta’t lumabas ang katotohanan. | via Leo Sarne