Dating PNP Spokesperson Bulalacao, pormal nang umupo bilang PRO 6 regional director

Pormal nang umupo kahapon bilang bagong Police Regional Office 6 Director si dating Philippine National Police (PNP) Spokesperson CSupt. John Bulalacao.

Si Bulalacao na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) class of 1988 ang pumalit sa dating PRO 6 Regional Director na si PCsupt. Ceasar Hawthorn Binag na miyembro naman ng PMA class of 1987.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Bulalacao na bilang dating PNP spokesperson, isusulong niya sa PRO 6 ang mahusay na public relations na nakaangkla sa paghahatid ng makatotohanang impormasyon sa publiko.

Kasabay nito, tiniyak ni Bulalacao sa kanyang mga tauhan na paiiralin niya ang isang “reward and punishment” policy sa kanyang pamunuan.

Aniya, regular na magsasagawa siya ng evaluation ng performance ng kanyang mga commander at gagantimpalaan ang mga maayos na magtrabaho.

Mababatid na itong huling balasahan sa liderato ng PNP ay ibinatay din ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde sa naging performance ng mga opisyal ng PNP. | ulat ni Leo Sarne