Dating PCUP Commissioner Serra, muling binigyan ng Pangulong Duterte ng pwesto sa gobyerno

Muling itinalaga ng Pangulong Rodrigo Duterte si dating PCUP Commissioner Manuel Serra, Jr. bilang miyembro ng governing board ng Philippine Coconut Authority (PCA).

Ito ay base sa appointment letter na ibinaba ng Malacañang na may petsang June 6, 2018.

Matatandaang bago ang appointment na ito ay isa si Serra sa limang commissioner ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) na sinibak ng Pangulong Duterte nitong December 2017 dahil sa madalas na pagbiyahe sa ibang bansa.

Batay sa appointment letter, magsisimula si Serra sa kanyang bagong posisyon sa July 1, 2017 at tatagal hanggang June 30, 2018 bilang kapalit ni Abundio Edicio Dela Torre.

Maliban kay Serra, una nang itinalaga ng Pangulo ang nasibak na PCUP Commissioner Melissa Avancena Aradanas bilang Deputy Secretary General ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) noong Mayo. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion