Dating MPD Director Joel Coronel, itinalaga bilang PRO-3 director

Pormal nang nanungkulan bilang bagong director ng Police Regional Office-3 si dating Manila Police District (MPD) Director CSupt. Joel Coronel.

Ito’y kasunod ng pagkakatalaga kay dating PRO-3 Director CSupt. Amador Corpus bilang bagong Director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kapalit ni Director Roel Obusan na nagretiro sa serbisyo kahapon.

Si Coronel ay naglingkod bilang Deputy Regional director for Administration ng National Capital Region Police Office (NCRPO) matapos umupo bilang MPD director.

Kabilang si Coronel sa Philippine Military Academy (PMA) Hinirang Class of 1987.

Sa isinagawang Change of Command sa Camp Olivas sa San Fernando City, Pampanga, nagpasalamat si Coronel kay Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde sa tiwalang ibinigay nito sa kaniya.

Tiniyak ni Coronel na gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang pantayan o mahigitan pa ang mga nagawa ni Corpus sa Region 3, partikular na sa kampanya kontra krimen at iligal na droga. | ulat ni Leo Sarne