Dating miyembro ng Maute group, sumuko sa militar

Sumuko sa militar ang isang dating miyembro ng Maute terror group sa Barangay Poblacion Bayabao, Butig, Lanao Del Sur, kahapon.

Kinilala ni Major General Roberto Ancan, commander ng Joint Task Force ZamPelan, ang sumukong terorista na si Saifoden Macaraya Maute, 36.

Kasama nitong isinuko ang isang M79 grenade launcher at isang 40 mm high explosive sa 49th Infantry Battalion.

Sinabi ni Ancan, na ang sumukong dating Maute member ay tauhan ng Maute group leader na si Khayam Romato Maute, na nasawi sa kasagsagan ng Marawi Siege.

Sa ngayon, nasa kustodiya ng 49th Infantry Batallion ang sumukong dating terorista at sumasailalim sa debriefing.

Kinilala ni Ancan ang tulong ni MILF Joint Ceasefire Monitoring Posts (JCMP) Representative Maliksaif Masheda, sa pagpapasuko sa dating Maute member.