Dating Mayor ng Parang, Maguindanao at kapatid nito, patay sa anti-drug operation sa Cotabato

Napatay sa magkahiwalay na anti-drug operation sa Cotabato City ang dating Mayor ng Parang, Maguindanao na si Talib Basa Abo Sr., at kapatid nitong Disimimba Basa Abo, na kapwa kabilang sa drug watch list ng Philippine National Police (PNP).

Base sa report ni PRO 12 PIO Supt. Christian Gonzales, nagsagawa ng magkasabay na pagsisilbi ng search warrant kaninang pasado alas-dose ng madaling araw ang mga operatiba ng Regional Drug Emforcement Unit 12, Regional Mobile Force Battalion 12, PNP-SAF, Cotabato City Police Office at PDEA sa magkahiwalay mga tahanan ng mga suspek.

Parehong nanlaban ang mga suspek na nagresulta sa pagkamatay ng mga ito.

Narekober ng mga operatiba sa tahanan ni dating alkalde Talib Abo sa Brgy. Rosary Heights 7, Cotabato City ang kanyang ginamit na 45 cal pistol, isang m16 rifle, Cal 38 Rugzer pistol, at mga plastic sachet na naglalaman ng 150 gramo ng pinaghihinalaang shabu nagkakahalaga ng 590,000 piso.

Nakuha naman sa tahanan ng kapatid ng mayor na si Disimimba Abo sa Brgy. Mother Bagua Cotabato City, ang kanyang ginamit na 38 Cal revolver, 2 hand grenade, dalawang fragmentation grenade, at ilang plastic sachet na naglalaman ng 250 gramo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng 2.9 na milyong piso. | ulat ni Leo Sarne