Dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, ‘di pa tuluyang lusot sa mga reklamo — Ombudsman Morales

Hindi pa rin tuluyang lusot si dating Davao City Vice Mayor Paulo Duterte kahit inabswelto na ito ng anti-graft agency sa reklamong may kinalaman sa pagpuslit ng P6.4-B shabu shipment sa Bureau of Customs (BOC) noong nakaraang taon.

Ito mismo ang inihayag ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na nagsabing patuloy pa rin iniimbestigahan ng kanyang tanggapan si Paolo Duterte.

Pero paglilinaw ni Morales, si Paolo lamang ang pokus ng imbestigasyon dahil wala namang nakabinbin na kaso laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Office of the Ombudsman.

Kaugnay nito, hindi naman idinetalye pa ni Morales kung anong kaso ang nakabinbin dahil matagal na itong nag-inhibit sa mga reklamo laban sa pamilya Duterte.

Inihayag lamang ni Ombudsman Morales na ang pending investigation sa dating bise alkalde ay nasa tanggapan ng isa sa kanilang Deputy Ombudsman.

Base sa records ng Ombudsman, kabilang sa mga isinampang mga reklamo laban kay Paolo Duterte ay may kinalaman sa paglabag sa code of conduct and ethical standards for government officials and employees, grave misconduct, serious dishonesty, perjury at mga graft at forfeiture cases. | via Shane Juan