Dating ASP Reyes, dumipensa sa pagbasura ng kaso nila Kerwin Espinosa, et al.

Dumipensa si dating Assistant State Prosecutor Aristotle Reyes, isa sa mga nagbasura ng kaso nila Kerwin Espinosa at iba pang alleged drug lords hinggil sa kritisismo na kanilang natatanggap matapos maisapubliko ang kanilang desisyon.

Sa isang phone patch press conference sinabi ni Reyes na hindi kapani-paniwala ang mga salaysay ng nag-iisang witness na si Marcelo Adorco na isa rin sa nakasuhan.

Paliwanag ni Reyes naka-tatlong affidavit si Adoroco para sa kanyang testimonya.

Pero sa halip aniya na ito ay mag-supply ng mga karagdang ebidensya ay mas naging inconsistent ang testimonya nito dahilan para hindi paniwalaan ng prosekyusyon.

Nilinaw din ni Reyes na sinadya ng PNP CIDG na hindi isama ang testimonya ni Kerwin Espinosa sa Senado kung saan umamin ito na isa siyang drug lord.

Sinabi aniya ng PNP CIDG na binawi ni Espinosa ang kanyang mga salaysay sa Senado kaya tanging ang salaysay lang ni Adorco ang naging basehan ng kanilang desisyon.

Dagdag pa ni Reyes, kung gugustuhin lang nilang magpapogi ay pwede nilang isampa ang kaso sa korte at hayaang mabasura ito para ang judge na hahawak ng kaso ang siyang masisi ng publiko.

Ikinalungkot din ni Reyes ang pagkakaroon ng isyu sa kanilang desisyon dahil hindi pa naman ito tapos at nahuhusgahan na agad.

Pero bukas siya sa imbestigasyon para malinis ang kanyang pangalan.

Ayon naman kay ASP Michael Humarang, isa din sa mga nagdesisyon sa naturang kaso, handa silang humarap sa imbestigasyon at nanindigan na mahina ang ebidensya ng complainant.

Inamin naman ni Reyes na posibleng magsumite ang prosecution panel na nagbasura ng kaso nina Kerwin Espinosa ng sulat kay Pangulong Duterte para ipaliwanag ang nangyari.  | via Lorenz Tanjoco