Dating alkalde sa isang bayan sa Zamboanga Sibugay, nahaharap sa hanggang 8 taong pagkakakulong

Sinintensyahan ng Sandiganbayan ang dating alkalde ng isang bayan sa Zamboanga Sibugay ng hanggang sa walong taong pagkakakulong kaugnay ng pagbibigay ng mas mataas na cash aid sa kanyang asawa at kapatid na babae noong 2007.

Ang Sandiganbayan Sixth Division, sa 32-pahinang desisyon nito na may petsang Dec. 4, 2018, ay habambuhay na ring pinagbabawalang humawak ng puwesto sa gobyerno si dating Naga Mayor Gemma Florante Adana.

Ngunit ibinasura naman ng anti-graft court, ang kasong graft laban kay dating municipal welfare officer Isabel Tabamo Marso noong isang taon, makaraang matanggap ang isang authenticated copy ng kanyang death certificate mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa desisyon, nakita ng korte na ang ginawa ng akusadong si Adana na payagan na bigyan ng financial assistance ang kanyang mismong asawa at kapatid ng halagang mas mataas kaysa sa natanggap ng ibang kaparehong biktima ng kalamidad, bilang malinaw na patunay ng “bad faith” at nagpapakita ng pagkiling sa pagganap sa kanyang posisyon bilang pinakamataas na public official sa munisipaliad matapos ang masusing pag-aaral sa mga ebidensya.

Ipinapakita sa record ng korte na kinasuhan ng Office of the Ombudsman sina Adana at Tabamo ng graft dahil sa pagkuntsaba noong Setyembre 13, 2007 sa pagbigay sa mga biktima ng kalamidad, ang asawa ni Adana na si Edgar ng P45,000 at kapatid na si Emma Aranas ng PHP40,000, habang ang pinakamalaking halaga na ibinigay sa ibang biktima ay umabot lamang ng PHP10,000. | ulat ni Ched Oliva