Data privacy sa paggamit ng body cam, tiniyak ng PNP sa CHR

Sinuguro ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar sa Commission on Human Rights (CHR), na may mga mekanismong ipatutupad ang PNP para pangalagaan ang data privacy sa paggamit nila ng mga body camera.

Ayon sa PNP Chief, pinagsasama na ng isang technical working group ang mga alituntuning inilabas ng Korte Suprema sa mga ginawang panuntunan ng PNP para matiyak ang data privacy.

Sinabi ni Eleazar, mismong ang Korte Suprema ang nagbigay ng pagpapahalaga sa data privacy sa kanilang inilabas na resolusyon, ukol sa paggamit ng mga body camera.

Partikular ang pag-iingat sa impormasyong nakalap sa pamamagitan ng body camera.

Dagdag ni Eleazar, patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa National Privacy Commission ukol sa bagay na ito.

Kasalukuyang may 2,696 na body cameras na ang naipamahagi sa may 171 na mga city police station sa buong bansa.