Data privacy rights ng bawat Pilipino, tiniyak ng Palasyo na mahigpit na binabantayan ng pamahalaan; Nat’l ID system hindi dapat ikatakot – SAP GO

Tiniyak ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go na mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng pamahalaan sa data privacy rights ng bawat isang mamamayan.

Ayon kay Go, hindi nagpapakampante ang administrasyon sa usapin ng data privacy lalo’t hi-tech na rin ang mga masasamang loob sa paraan ng pagnanakaw gamit ang makabagong teknolohiya.

Binigyang diin ni Go na sa pamamagitan ng Data Privacy Act, magagarantiya na protektado ang personal na impormasyon ng bawat Pilipino.

Kaugnay nito’y tiniyak din ni SAP Go na walang dapat na ikabahala sa National ID System na tanging lagda na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang upang maging isang batas.

Dagdag pa ng opisyal na ang tanging mangangamba lang sa wala ng atrasang pagpapatupad ng National ID ay ang masasamang loob na nagtatago sa batas. | ulat ni Alvin Baltazar