Daraga Mayor Carlwyn Baldo at 6 na aide, kinasuhan sa pagpatay kay Rep. Batocabe at police escort

Sinampahan ng kasong double murder at multiple frustrated homicide si Daraga Mayor Carlwyn Baldo at 6 na tauhan nito, kaugnay ng pagpatay kay Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe at security escort SPO2 Orlando Diaz.

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde sa isang press briefing sa Camp Crame, kung saan kanyang tinukoy si Mayor Baldo bilang mastermind sa krimen.

Ayon sa PNP Chief, sumuko nitong December 30 sa PNP-Intelligence Group ang isa sa pitong persons of interest sa kaso na si Christopher Cabrera Naval alias Tuping, na isang dating sundalo at security aide ni Mayor Baldo.

Base sa impormasyong nakuha ng PNP sa suspek, ang planong pagpatay kay Batocabe ay binuo noong August 2018 matapos ihayag ng kongresista ang kanyang planong tumakbong alkalde ng Daraga.

Ang impormasyong nakuha kay Tuping ay pinatotohanan ng isang una nang sumukong suspek na si Emmanuel Bonita Judavar, na umaming kasama siya sa inisyal na plano pero umatras sa aktuwal na pagpatay.

Ang aktuwal na pamamaril sa kongresista noong December 22 sa Daraga, Albay ay isinakatuparan umano ng team ni Tuping, na binubuo ng mga dating militar at New People’s Army (NPA) rebels, na naka-payroll sa Office of the Mayor gamit ang mga pekeng pangalan.

Ayon kay Tuping, si Mayor Baldo ang nag-alok sa kanila ng P5-milyong para ipapatay si Batocabe, kung saan nagbigay umano ito ng paunang bayad na P250,000 noong September 2018. | ulat ni Leo Sarne