DAR Sec. Castriciones, pinagbibitiw na ng grupo ng magsasaka dahil sa nangyaring “Sagay massacre”

Pinagbibitiw na sa puwesto ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) si Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary John Castriciones.

Ginawa ni KMP Chairperson Danilo Ramos ang pahayag, kasunod ng pag amin ng kalihim na hindi saklaw ng Land Reform Program ng gobyerno ang Hacienda Nene, kung saan nangyari ang pamamaril at pagpatay sa siyam na farm workers.

Aniya, nagbubulag-bulagan ang DAR sa palusot ng mga land owner sa Negros para paikutin ang agrarian reform coverage.

Tinukoy ni Ramos ang ginawang pag-apruba ng DAR sa “deed of donation” ng land owner ng Hacienda Nene noong taong 2004, na nagbigay daan para makakuha ito ng certificate of retention o exemption sa CARP coverage.

Sinabi pa nito, ang kainutilan ng DAR ang dahilan ng paghahari-harian ng mga landlord at ng kanilang mga private army sa Negros.

Muling iginiit ng KMP, na buwagin na lang ang DAR dahil bigo ito na gampanan ang kanilang mandato na protektahan ang interes ng mga magsasaka.

Ang KMP ay kabilang sa mga grupo na magsasagawa ng isang National Fact-Finding Mission sa kaso ng Sagay massacre sa Negros Occidental. | ulat ni Rey Ferrer