Dapat sirain din tulad ng mga smuggled luxury car, ang mga barkong ginagamit sa pagpupuslit ng bigas at iba pang produktong agricultural – Sen. Recto

Iminungkahi ngayon ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang pagsira sa mga barkong ginagamit sa pag-smuggle ng bigas sa bansa, sa pagsasabi na kung kaya natin sirain ang mga ipinupuslit na luxury cars, bakit hindi ito magawa sa mga barkong nagbibiyahe ng mga smuggled na bigas.

Para kay Senador Recto, ang mga barkong sadyang nagbibiyahe ng mga smuggled goods, tulad ng bigas na nasa malaking bilang ay kailangang hulihin at kumpiskahin ng gobyerno.

Kung walang lalabaging batas, dapat umanong sirain ang naturang  barko at ilubog na lang ito sa dagat para tubuan ng lumot at talaba.

Ani Recto, kapag nagawa ito, tiyak umanong mahihinto ang iligal na importasyon ng produktong agrikultural, na siyang sumisira sa kabuhayan ng milyun-milyong magsasaka.

Subalit, nilinaw ni Recto na hindi naman isang container lang ng bigas ay awtomatiko nang gigibain na yung barko. Pero kung ang buong barko aniya ay  kinontrata para mag-smuggle ng bigas o langis, at kasabwat ang crew at may-ari, makatarungan lamang umano na sirain na ng lubusan ang barkong ito.

Dagdag pa ng Senador, na siguro panahon na para mag-sample ang pamahalaan ng isang pasaway na barko upang hindi tularan ng ibang may balak na magpuslit ng mga iligal na produkto. | via Jojo Ismael