Dapat mas pinili ng Ombudsman ang paghahain ng kasong katiwalian laban kay Pinoy at Abad – Sen. Gordon

Tahasang sinabi ngayon ni Senador Richard Gordon na umano’y dapat isinama na ng Office of the Ombudsman ang kasong ‘malversation at graft and corruption’ sa kanilang isinampang kasong ‘usurpation of legislative powers’ laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino at dating Budget Secretary Butch Abad kaugnay ng kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program

Bilang chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, sinabi ni Gordon na siya’y sang-ayon sa posisyon ng Ombudsman na nagkaroon ng pang-aagaw ng kapangyarihan o usurpation of powers subalit pinili sana ang mas mabigat na kasalanan, ang katiwalian at korapsyon at paglustay ng pondo sa isinampang kaso laban kay Aquino at Abad.

Paliwanag ni Gordon, malinaw umano na nagkaroon ng technical malversation sapagkat pinakialaman umano nina Aquino at Abad ang appropriations sa pamamagitan ng pagdideklara nito bilang savings upang kanilang magamit ang pondo para sa ibang pakay.

Ipinunto pa ni Gordon na siya ring chairman ng Blue Ribbon Committee, paulit-ulit umanong ginamit nina Aquino at Abad ang kanilang maling pamamaraan ng paggamit ng public funds tulad ng pagbili ng 3.5 bilyong halaga ng Dengvaxia vaccine at ang umano’y paglustay ng 10.6 bilyong pisong pondo ng PhilHealth na nakalaan para sa mga senior citizens. | ulat ni Jojo Ismael