Damage assessment, sinimulan na ng DSWD sa mga lugar sa Northern Luzon na sinalanta ng bagyo

Ginagawa na ng mga miyembro ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) team ang inspeksyon sa mga nasirang inprastraktura sa Nueva Vizcaya matapos ang halos isang linggo mula ng hagupitin ng bagyong Rosita.

Kasama ang Office of Civil Defense at Department of Health, una nilang inalam ang lawak ng pinsala sa mga lalawigan ng Isabela, Quirino, at Nueva Vizcaya.

Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista, layon nito na mapag-aralan at madetermina ang pangangailangan ng mga apektadong pamilya upang matulungan pa sila hanggang makabalik sa normal ang kanilang kabuhayan.

Sa kasalukuyan, nasa 15 evacuation centers ang bukas pa na nagbibigay ng pansamantalang masisilungan sa 135 pamilya o 466 katao sa Regions 2, 8, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Nakapagpalabas na ang DSWD ng higit P5.8 milyong halaga ng tulong sa mga biktima ng bagyong Rosita at aasahan pa daw ang pagpapadala ng karagdagang family food packs sa mga lugar sa Mt. Province na itinuturing pang isolated.  | ulat ni Rey Ferrer