Dalian trains, maaari pang mapakinabangan kung matutugunan ang tinukoy na technical adjustments; DOTr, iginiit na ‘di dapat ito pagkagastusan ng gobyerno

Maaari pa umanong mapakinabangan ang P3.8 billion na Dalian trains na binili noong Aquino administration nang hindi makukompromiso ang kaligtasan ng publiko.

Ito ay kung matutugunan lamang ang mga tinukoy na ‘technical adjustments’ base sa nakumpletong independent audit and assessment ng German company na TUV Rheinland sa buong Metro Rail Transit Line-3 (MRT-3) system.

Subalit binigyang-bigat ni Transportation Secretary Arthur Tugade nang makapulong ang mga kinatawan ng Dalian Corporation at maging si Chinese Ambassador Zhao Jianhua na hindi dapat gumastos ang gobyerno ng Pilipinas sa mga dapat gawin para magamit ang apatnapu’t walong China-made trains sa revenue operations ng MRT-3.

Sabi pa ng kalihim, napagkasunduan sa diskusyon na sasagutin ng korporasyon ang gastusin kasabay ang paglalarawan na “manageable” ang pagsasaayos sa mga biniling bagon at tren na base umano sa evaluation ng audit ay ipinapakita ang kakulangan ng mga ito.

Hindi pa inilalabas ng DOTr ang kabuuang report ng TUV Rheinland kaya’t hindi malinaw sa ngayon kung anu-ano ang pinatutungkulang rekomendasyon para sa Dalian trains.

Inaasahan naman na maisasapinal ang detalye nito sa lalong madaling panahon at bago maganap ang high-level government-to-government meeting ng Pilipinas at China sa ika-20 ng Agosto. | ulat ni Shane Juan