Dalawang tumakbong kagawad sa QC na nakalista sa ‘PDEA barangay narco list’, panalo pa rin sa katatapos na eleksyon

Nakakuha pa rin ng buong pagsuporta ng kanilang mga residente sa magkahiwalay na barangay sa Quezon City ang dalawang kumandidatong kagawad na nakasama sa barangay narco list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Walang negatibong epekto ang isinapublikong listahan at sa halip ay nag-numero uno pa ang nanalong kagawad ng Barangay Bagong Lipunan ng Crame na si Ginang Noemi Agcaoili.

Si Agcaoili ang kaisa-isang opisyal ng barangay sa QC na kabilang sa narco list ng PDEA.

Sa kabilang banda, panalo’t sinuportahan din ng mga residente ng Barangay Masambong ang umano’y number 9 ‘high-value target’ sa drug war ng Quezon City Police District (QCPD) Station 2 na si Eli Nitafan Jr.

Batay sa unofficial record ng barangay operation center sa Quezon City Hall at sa talaan ng mga nanalong kandidato sa Barangay Masambong, lumabas na nasa ika-anim na pwesto si Nitafan na nakakuha ng 1,236 na boto mula sa 5,981 voters.

Matatandaang  una ng nagbabala si Department of Interior and Local Governement (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na manalo mang opisyal ng barangay ang mga isinasangkot sa illegal drugs ay hindi nila tatantanan ang mga ito hanggang sila ay mapanagot sa batas. | via Shane Juan