Dalawang sundalo, sugatan matapos ang encounter kaninang madaling araw sa Bilar, Bohol

Dalawang sundalo ang sugatan matapos ang nangyaring encounter kaninang madaling araw sa Barangay Campagao, Bayan ng Bilar, Lalawigan ng Bohol.

Ang mga nasugatan ay kinilala na sila Corporal Campilanos at si Private First Class (PFC) Valota. Si Campilanos ay natamaan sa kanang pisngi habang si Valota naman ay natamaan sa kamay.

Sa isinagawang press conference kaninang umaga, sinabi ni Brigadier Gen. Francisco Delfin, deputy commander ng 3rd Infantry Division (3ID), na umabot ng tatlumpung minuto ang palitan ng putok ng mga sundalo ng 47th Infantry Battalion (47IB) at ng labing apat na armadong indibidwal.

Isang magazine ng AK-47 at isang Uzi sub-machine gun ang nakuha ng militar na iniwan ng mga tumakas na armadong grupo.

Ani Delfin, pinaghihinalaan nila itong mga miyembro ng New People’s Army (NPA,) ngunit hindi rin nila isinantabi ang posibilidad na sila ay miyembro ng isang private armed group.

Sa ngayon, naglagay na ng checkpoint ang Police Regional Office VII (PRO-7) sa kalapit na mga bayan upang mahuli ang mga ito.

Siniguro naman ni PRO-7 Regional Director Chief Supt. Robert Quenery na tutulong sila sa imbestigasyon dito. | via Carmel Matus