Dalawang islang lalawigan sa Bicol, prayoridad ng NFA na laging may suplay ng bigas

Legazpi City – Sinisiguro ng National Food Authority (NFA) sa Bicol na may sapat na suplay ng NFA rice ang kanilang mga tanggapan sa mga islang lalawigan ng Catanduanes at Masbate, partikular na ngayong panahon ng pagpasok ng mga bagyo sa bansa kung saan isa ang rehiyon sa paboritong daanan.

Sa panayam kay Assistant Regional Director Yolanda Navarro, sinabi nito na layunin ng kanilang hakbang na tiyaking hindi magkukulang ng suplay ng bigas ang dalawang lalawigan, at paniniguro na hindi sila magkakaproblema sa paghahatid ng suplay dito sa oras na magkaroon ng sama ng panahon, lalo na kung malakas ang alon sa dagat at pahirapan ang paglalayag,  kung may public storm signal at walang pinapayagang bumiyahe sa dagat ang Philippine Coast Guard (PCG).

Sa ngayon, muling tiniyak ng NFA na may sapat na suplay ng bigas ang buong rehiyon at walang kakapusan na maaaring maranasan ang mga ordinaryong mamamayan hanggang sa katapusan ng taong kasalukuyan. | ulat ni Dune Derla