Dalawa pang delinquent taxpayers, kinasuhan ng BIR

Pormal nang sinampahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) ang dalawang delinquent taxpayers dahil sa kabiguang magbayad ng buwis.

Dahil sa paglabag sa Tax Code kinasuhan si Sonie Crisostomo Gacay, may-ari ng isang manpower services sa Calookan City at may pagkakautang sa buwis na aabot sa higit sa P2.7 million para sa taong 2011.

Kasama ding kinasuhan ang Justbest Sakes Corp. kasama ang corporate officers na sina Jerry Mariano at Angeles Manuel na may pagkakautang sa buwis na higit sa P1.82 million para sa taong 2013, 2014 at 2015.

May kinalaman naman sa importation at wholesaling ng karne at iba pang kahalintulad na produkto ang negosyo ng korporasyon.

Base sa datos ng sangay ng  BIR sa Caloocan City, lumilitaw na ang mga respondents ay nabigo na tugunan o iapela ang kanilang pagkakautang sa kabila na pinadalhan na sila ng abiso ng BIR.

Ang apat na kasong isinampa sa mga delinquent taxpayers ay pang 225 na sa ilalim ng Run After Tax Evaders program ng BIR sa pamumuno ni BIR Commissioner Caesar Dulay.  | ulat ni Rey Ferrer