Dalawa pang Abu Sayyaf, napatay sa patuloy na operasyon ng militar sa Sulu

Dalawa pang miyembro ng Abu Sayyaf ang napatay sa patuloy na operasyon ng militar laban sa grupo ni Radullan Sahiron sa Brgy. Latih, Patikul, Sulu.

Ayon kay Brigadier General Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu, muling naka-engkwentro kahapon ng mga tauhan ng 5th Special Forces Company ang grupo ni Sahiron na unang nakasagupa ng 5th Scout Ranger Battalion sa Patikul, Sulu noong nakaraang Martes.

Nagsimula kahapon ng tanghali ang isang oras na palitan ng putok na nagresulta sa pagkakapatay ng dalawang ASG members at pagrekober ng isang R4A3 rifle, isang M203 grenade launcher, dalawang cellular phones, at isang backpack na mayroong personal na gamit.

Narecover din ng militar ang isa sa mga bangkay ng mga napatay na nakilalang si Roger Samlahon, isang notorious Urban Terrorist Group member na nangingidnap sa Jolo Proper.

Hinahanap pa ng militar ang pinaglibingan ng isa pang naiulat na napatay na terorista.

Kasalukuyang tinutugis ng militar sa tulong ng mga air-asset ang iba pang mga miyembro ng grupo na nagsitakas sa iba’t ibang direksyon matapos ang bakbakan. | via Leo Sarne