Dalawa arestado matapos mahulihan ng iligal na droga sa Navotas

Timbog ang dalawang indibidwal sa Navotas matapos mahulihan ng hinihinalang shabu kagabi sa Blk 6, Bagong Silang St., Brgy. San Jose, Navotas City.

Nakilala ang mga suspek na sina Elmar Sistual, 28 anyos at Alejo Andales, 36 anyos na pawang residente ng nasabing barangay.

Ayon sa mga pulis, nagsasagawa ang station drug enforcement unit ng patrolya at anti-illegal drug validation sa nasabing lugar nang maaktuhan ang mga suspek na hawak-hawak ang hinihinalang shabu.

Narekober mula sa mga suspek ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P10,880.00.

Tumanggi naman magbigay ng pahayag ang mga suspek.

Kakasuhan ang mga ito ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.