“Daily accounting” sa mga pulis, isasagawa ng PNP ngayong Holy Week

Ipinag-utos ni PNP Chief Dir. Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang pagsasagawa ng daily accounting sa mga tauhan ng PNP sa bawat istasyon ng pulis ngayong Holy Week.

Ayon kay Dela Rosa ito ay upang masiguro na tumutupad ang mga pulis sa umiiral na 100 percent deployment ng PNP ngayong Semana Santa.

Pero nilinaw naman ni Dela Rosa na hindi pinagbabawalan ang mga pulis na obserbahan ang kanilang “religious beliefs” sa panahong ito.

Maari naman aniyang isakatuparan ng mga pulis ang kanilang mga religious obligations tulad ng pagbisita sa mga simbahan o paglahok sa ibang religious activities habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin.

Ayon sa PNP chief, ang mga pulis na hindi magpapa-account sa kani-kanilang mga units ay isasailalim sa pre-charge investigation, at kung wala silang balidong rason ay kakasuhan sila.

Una nang idineklara ng PNP na paiiralin nila ang “full alert status” ngayong Holy Week hanggang sa pagbubukas ng klase sa Hunyo bilang bahagi ng Oplan Sumvac 2018 upang masiguro ang kaligtasan ng mamamayan na magsisipag-uwian sa kani-kanilang mga probinsya. | via Leo Sarne