Dahil sa paniningil ng sobrang pasahe, pamunuan ng Grab Phils. pinagalitan ni Rep. Jericho Nograles sa hearing sa LTFRB

Nakatikim ng sermon sina Brian Cu, ang managing director ng Grab Philippines at kaniyang mga abogado matapos sitahin ni Pwersa ng Bayaning Atleta Partylist Rep. Jericho Nograles dahil sa paniningil nito ng P2 dagdag sa travel time ng Grab Phils.

Sa reklamo ni Nograles sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sinabi nito na mula buwan ng Hunyo 2017, binago ng Grab ang computation na nagpataw ng dagdag na P2 per minute travel charge.

Aniya, ito ay direktang pagbalewala ng Grab sa December 2016 LTFRB Board Order na nag-aatas na ilimita sa times two ang singil sa surcharge.

Aniya, malinaw na naningil ng P2 kada minutong travel charge ang Grab ng walang pagsang-ayon ang LTFRB Board.

Ayon naman kay Atty. Miguel Aguila, abogado ng Grab, magsusumite sila ng representasyon na magpapatunay na hindi overcharging ang kanilang ginawa.

Kaugnay nito, nagpakita ng pagkadismaya si LTFRB Chairman Martin Delgra sa Grab na naghain pa ng petition for fare increase na nakabimbin pa sa board pero naniningil na ng sobra sa riding public. | via Rey Ferrer