Dagdag station para sa pagpapakabit ng RFID sa mga expressway, hiningi ng mga motorista

Umaapela ang ilang motorista sa pamunuan ng North Luzon Expressway at South Luzon Expressway na magdagdag ng mga istasyon o lugar para mas mabilis ang paglalagay ng mga RFID. 

Ito ay sa kabila ng ginawang extension ng Department of Transportation (DOTr) ng deadline para sa cashless transactions sa lahat ng mga tollgate ng expressway sa bansa.

Ayon kay Atty. Ariel Inton, Pangulo ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, humahaba ang pila ng mga motorista sa mga designated areas para magpakabit ng RFID. 

Kung susumahin daw ang ibinigay na extension, tila kukulangin hanggang December 1 para malagyan ng RFID sticker ang mga sasakyang gumagamit ng expressway.

Bukod dito, umaapela din si Inton sa pamunuan ng NLEX at SLEX na magkaroon ang mga ito ng kasunduan para magkaroon ng iisang RFID sticker na pwedeng gamitin ng mga motorista sa lahat ng Expressway. 

Sinabi naman ni Engr. Alberto Suansing, dating Transportation consultant, dapat umanong tiyakin ng mga motorista na mayroong RFID sticker ang mga ito sa December 2 dahil matitikitan sila sakaling hindi susunod sa gagawing cashless transactions.