Dagdag sahod para sa public school teachers, asahan sa 2020 — SAP Bong Go

Pinawi ni Special Assistant to the President Bong Go ang pangamba ng mga guro na baka hindi na magkaroon pa ng salary increase para sa mga public school teachers.

Sa kaniyang pagsasalita sa ika-24 na anibersaryo ng Commission on Higher Education, sinabi ni Go na gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya para mapabilis ang pagpapatupad ng umento sa pasahod.

Katunayan nakausap na rin niya si Budget Secretary Benjamin Diokno at tiniyak nito sa kanya na maipapatupad ang salary increase.

Aniya, tatapusin na lamang daw ang implementasyon ng Salary Standardization Law sa 2019 at isusunod na agad ang salary increase na pasisimulan mula 2020 hanggang 2022.

Huwag aniya mag-alala ang mga guro dahil hindi sila nawawala sa isip ng Pangulo .

Hiningi rin ni SAP Bong Go ang suporta ng mga guro para sa Pangulo partikular sa mga programa ng pamahalaan laban sa kriminalidad, iligal na droga at korapsyon.

Ngayong araw, binuksan ng CHED ang isang linggong Education Trade Fair mula sa iba’t ibang state universities sa bansa. | via Rey Ferrer