Dagdag-pondo para sa polio drive ng DOH, inaprubahan ng Kamara

Maglalaan na ang gobyerno ng dagdag na pondo para sa polio drive sa susunod na taon.

Ayon kay Deputy Majority Leader Bernadette Herrera, naglaan na ang House Committee on Appropriations ng  nasa P200-million pesos na dagdag para sa budget ng Department of Health (DOH) sa 2020 para sa bakuna sa sakit na polio sa mga batang may edad na limang taon pababa.

Kinumpirma ito ni House Appropriations Chair Isidro Ungab sa isang text message.  Aniya may dagdag na tig-P100 milyong piso silang inilaan para sa Maintenance and Operating Expenses at Quick Response Fund ng DOH kung saan ito maaaring kunin.

Ginamit na pangdagdag-pondo ang budget para sa Baranggay at SK Elections na ipagpapaliban na sa 2023.

Samantala, muling nanawagan si Herrera sa mga magulang na kahit itinuturing pa rin na polio-free ang bansa ay hindi ito dapat ipagsawalang bahala at pabakunahan pa rin ang mga anak.