Dagdag pondo pambayad sa quarantine facilities ng OFWs, malaking tulong — OWWA

Nagpasalamat ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), sa pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa P5 billion supplemental budget para sa COVID-19 response ng pamahalaan, partikular sa mga overseas Filipino workers (OFW).

Sa pagdinig ng Committee on Overseas Workers Affairs, sinabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, na posibleng bukas ay maiproseso na ang SARO o ang release ng pondo.

Malaking tulong aniya ito para mapunan ang gastos para sa food, transportation at accommodation ng mga umuuwing OFW.

Inaasahan naman aniya, na tatagal ang naturang pondo ng hanggang 3rd quarter ng taon.

Bukod sa pondo mula sa 2021 GAA, mayroon pang P18.3 billion ang OWWA mula sa kanilang trust fund, na ginagamit para naman sa livelihood at scholarship programs ng mga OFW at kanilang dependents.

Aminado naman si Cacdac, na hamon sa kanila ngayon ang pagpapanatili ng trust fund dahil sa bumagsak na sa 40-60 percent ang membership contribution.