Dagdag pasilidad sa COVID patients sa NKTI, natapos na ng DPWH

Pinasalamatan ni Senator Christopher “Bong” Go ang Department of Public Works and Highways (DPWH), para tugunan nito ang mga itinayong karagdagang health care system sa mga pampublikong pagamutan.

Ginawa ng senator ang pasasalamat, matapos ang turn-over ceremony ng bagong National Kidney and Transplant Institute (NKTI) Modular Hemodialysis Facility and dormitory.

Dati nang hiningi ni Sen. Go sa concerned agencies, na bilisan ang expansion at construction ng mga modular hospital na may mga kagamitang pang COVID-19 isolation facilities at intensive care unit beds, para tugunan ang lumolobong COVID-19 cases sa bansa partikular na NCR Plus.

Sa kanyang video message sa mga kawani ng NKTI, Department of Health (DOH) at DPWH , iginiit ng senator na masyadong nakakaalarma ang mabilis na pagdami ng mga nahahawaan ng virus, kung saan naglagay sa high risk levels ang mga health facility.

Ang bagong pasilidad na may 14 dialysis rooms, apat na hepatitis rooms, at dalawang isolation rooms, ay maaaring gamitin ng mga COVID-19 patient na sumasailalim sa hemodialysis.

Samantala, ang modular dormitory na may 16 rooms na mayroong double deck beds at bathrooms, hallway, living area, dining area, kitchen at laundry areas, ay natapos na rin ng DPWH Task Force for Augmentation of Local / National Health Facilities kasama ng Bureau of Construction.

Bilang Chairperson ng Senate Committee on Health, kanyang hinikayat ang pamahalaan na paigtingin pa ang pagsusumikap nito para sa pagtatayo ng mga modular hospital.

Simula noong umapela siya, natapos na ng DPWH ang construction ng pitong modular units na may 148 beds sa Metro Manila, habang karagdagang 14 modular units na may 308 beds ang kasalukuyang ginagawa na rin.

Sa kabuuan, nakumpleto na ng DPWH ang 662 units ng health facilities na may 24,513 beds sa buong bansa, bago natapos ang buwan ng April 2021.

Pinag-aaralan na rin daw ng senator ang pagkakaroon ng liver transplant sa NKTI, dahil nagtutungo pa sa ibang bansa ang maraming pasyente na nais magpagamot sa sakit sa atay.

Sa huli, muli niyang inulit ang pasasalamat sa sakripisyo at dedikasyon ng mga health worker ng NKTI at iba pang mga frontliner sa buong bansa, dahil sa hindi matatawarang serbisyo ng mga ito sa pagtugon sa COVID-19.