Dagdag na pondo para sa bagong pasilidad ng PGH at iba pang public hospital, ipinanawagan

Ipinanawagan ni BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co sa Kongreso na bigyan ng dagdag na pondo ang PGH at iba pang pampublikong ospital sa bansa.

Punto ng kinatawan, kailangan na ng bagong pasilidad ng UP-PGH maging ang UP Manila dahil sa kalumaan ng mga gusali nito.

Kasunod na rin ito ng naganap na sunog sa operating room supply and autoclave room (ORSA) ng PGH noong Linggo.

Maaari aniya na humanap ng lote kung saan makakapagpatayo ng bagong UP-PGH medical complex.

Pansamantala, maaari naman munang gumamit ng malalaking container van para makabuo ng temporary facility habang inaayos pa ang nasunog na bahagi ng PGH.

Isa pa sa suhenstyon ni Co ay maghanap ng kalapit na gusali na maaaring paglipatan at paglagakan muna ng mga non-essential o least essential na gamit.

Maaari aniya na kumbinsihin ni Mayor Isko Moreno ang ilan sa building owners para tulungan ang UP-PGH.