Dagdag bakuna vs polio, darating sa Davao sa Oktubre

Inaasahan ang pagdating sa unang linggo ng Oktubre sa lungsod ng Davao ang mga Oral Polio Vaccines Type 2 na gagamitin sa National Outbreak Response Immunization Program ngayong Oktobre 14.

Ayon kay Department of Health Assistant Secretary for Visayas and Mindanao, Dr. Abdullah Dumama Jr. target nila na 95% ng mga batang may edad 5 anyos pababa ay mabakunahan.

Napag-alaman na ang unang round ng vaccination ay isasagawa sa Davao City, Davao del Sur, Lanao del Sur at Marawi mula Oktubre 14 hanggang 27.

Susundan naman ito ng ikalawang round ng massive vaccination sa Nobyembre 25 hanggang Disyembre 7 at ang third dosage ay ibibigay sa Enero 6 hanggang 18 taong 2020.

Sinabi ng opisyal na aabot sa P213 million ang budget ng gobyerno para sa nasabing massive immunization program.

Nanawagan naman ito sa lahat ng mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa polio.