Daan-daang pasahero ng NAIA, naapektuhan ng nabalahaw na eroplano ng PAL

Daan-daang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang naapektuhan nang mabalahaw sa runway ang isang eroplano ng Philippine Airlines (PAL), nang ito ay mag-U-turn sa isang madamong bahagi ng runway 13/33 ng lumapag kagabi mula sa Macau.

Maliban sa maraming mga eroplano ang hindi nakalipad at nakalapag sa runway, na-divert naman sa Clark, Pampanga ang mga flight sa NAIA terminal 1 , terminal 2 at terminal 3.

Unang na-divert ang Thai Air flight TG-624, na galing ng Bangkok at ang Xiamin Air flight MF 817 mula sa Xiamin, na pawang lalapag sana sa NAIA terminal 1.

Napilitang i-divert na lamang din sa Clark ang lalapag sana sa NAIA na PAL flight PR-1822, na galing naman ng Davao.

Sa NAIA Terminal 3, tatlong eroplano naman ng Cebu Pacific ang na-divert sa Clark, ito ay ang 5J-330 na galing ng Legazpi, 5J 654 mula sa Tacloban at ang Cebu Pacific flight 5J 648 na mula sa Puerto Princesa.

Batay sa report ng Manila International Airport Authority Safety, dakong alas -6:41 ng makatanggap ng tawag mula sa control tower, na ang Philippine Airline flight PR-353 mula Macau ay lumapag sa runway ng NAIA at ito ay nabalahaw, agad na tumawag ng dalawang tow truck ng MIAA at bago mag alas-8 ng gabi agad na nahatak ang nasabing eroplano na walang nasaktan o nasirang property ng airport. | ulat ni Ariel Fernandez