DA, nagpaabot ng tulong sa mahigit 300 pamilyang nasunugan sa Brgy. Vasra, Q.C

Nagpaabot na rin ng tulong ang Department of Agriculture o DA sa mahigit 300 pamilya na nasunugan sa Sitio Palanas, Barangay Vasra, Quezon City.

Mismong si Agriculture Sec. Manny Piñol ang namigay ng ‘food assistance’ sa gym na nasa loob ng bakuran ng DA.

Maging si National Housing Authority General Manager Marcelino ‘Escalada Junior ay inanyayahan din ni Piñol at tiniyak na hahanapan din nito ng malilipatang lugar ang mga nasunugang pamilya.

Sinabi ni Piñol na ang lugar na kinatitirikan ng mga informal settlers ay pagmamay-ari ng Department of Agriculture (DA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Pagtiyak pa ni Piñol, magpapatuloy ang food assistance na ibibigay ng DA sa mga pamilya hanggang sa susunod na tatlong araw pa ng biyernes o hanggang hindi pa muling nakakapagpatayo ng kanilang matitirhan. | Ulat ni Rey Ferrer