DA nagkaloob ng agri-fishery intervention at insurance sa ikalimang distrito ng Leyte

Aabot sa kabuuang 51.7 milyong pisong halaga ng agri-fishery intervention at insurance ang ipinagkaloob ng Department of Agriculture (DA) sa isang lungsod at walong munisipalidad ng Leyte.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny PiƱol, ito ay para sa kapakanan ng mga magsasaka at mangingisda, para maiangat at mapalago pa ang kanilang kabuhayan.

Kabilang sa mga ipinamahagi ng DA ay ang isang (1) milyong cassava planting materials, mga binhi ng mais, organic fertilizers, abacca planting materials, iba’t ibang binhi ng gulay, at iba pa.

Habang ang Philippine Crop Insurance Corporation naman ng DA ay nagbigay ng Indemnity Check sa tatlumput pitong (37) magsasaka na nagkakahalaga ng 215 milyon at 642 libong piso.

Kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), namahagi din ang DA sa distrito ng 50 units ng 30-footer fiberglass na banka, at nangako pa ng karagdagang 120 units na ginagawa pa sa kasalukuyan.

Ang bawat banka ay gagamitin para sa livelihood at marine resource management activities.

Nagtatag din sa rehiyon ng credit facility para sa rehabilitasyon ng local abaca industry doon.

Ang ikalimang distrito ng Leyte ay binubuo ng lungsod ng Baybay at mga munisipalidad ng Abuyog, Bato, Hilangos, Hindang, Inopacan, Javier, Mahaplag, at Matalom. | via Rey Ferrer