DA, magpapatupad ng mas istriktong panuntunan sa pag-aangkat ng bigas

Nakatakdang magpatupad ang Department of Agriculture (DA) ng mas istriktong panuntunan sa pag-aangkat ng bigas.

Sinabi ni DA Secretary William Dar na isasagawa ang naturang hakbang para maiwasan ang pagbaha ng imported rice sa pamilihan at maprotektahan ang lokal na industriya ng palay.

Kabilang sa ipatutupad ang mahigpit na implementasyon ng SPS o sanitary and phyto-sanitary inspection sa lahat ng rice imports.

Sisiguruhin ding mapoproteksyonan maging ang maliliit na mga magsasaka sa kapuluan.

Sinabi pa ng kalihim na nakapag-angkat ang bansa ng 2.4 metriko-toneladang bigas na sobra sa kinakailangan kaya dapat na higpitan ang panuntunan.

Hinggil naman sa isinasagawang imbestigasyon ng DA tungkol dito na nagdulot ng pagkalugi sa local farmers, inaasahang matatapos na ang pagsisiyasat ngayong Setyembre o hanggang sa mga unang araw ng Oktubre.