Crime rate tuwing “ber months”, bumaba

Kung dati rati’y tradisyunal na tumataas ang krimen pagsapit ng “ber months”, ngayon ay nagbago na ito at bumababa na.

Ito ang inihayag ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde batay sa statistika ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM).

Ayon sa PNP chief, ang nationwide crime volume  sa panahon ng “ber months” (September- December) nitong nakalipas na tatlong taon ng Duterte Administration ay bumaba mula sa 191,733 crime cases noong 2016 sa 154,925 noong 2017 at 163,821 noong 2018.

Paliwanag ni Albayalde, dati rati’y tumataas ang bilang ng mga petty crime tulad ng snatching at pang-hoholdap sa panahong ito, dahil sinasamantala ng mga kriminal ang pagkakabala ng mga tao sa Christmas shopping.

Pero unti-unti na aniyang nagbago ang trend partikular sa Metro Manila at mas ligtas na ngayon ang mga tao sa mga mall at iba pang pamilihan.

Ayon kay Albayalde, resulta ito ng mas pinaigting na police visibility, anti-illegal drugs operations, at intelligence gathering.