CPP Founding Chair Joma Sison, hinamon ng Palasyo na umuwi na sa bansa para mamulat sa totoong kondisyon ng Pilipinas

Nananaginip lang si Communist Party of the Philippines (CPP) Founding Chair Jose Maria Sison sa pahayag nitong hindi matatapos ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang termino at mapapabagsak nito ang gobyerno ng Pilipinas.

Ito ang naging tugon ng Palasyo sa nilabas na statement ng CPP na posible aniyang mapatalsik na sa pwesto si Pangulong Duterte dahil marami na di umanong mga Pilipino ang may ayaw sa pamamahala nito.

Sa pulong balitaan sa Leyte ngayong araw, sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na mabuti pa aniyang umuwi na dito si Sison dahil sa sobrang tagal na nitong nananatili sa ibang bansa ay hindi na nito alam ang malaking pinagbago ng Pilipinas.

Imbes aniya na puro salita ay umuwi na lang dito sa bansa si Sison at tumulong sa pagbubuo ng mas komportableng buhay para sa sambayanang Pilipino. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion