COVID variants, isa sa mga dahilan ng pagtaas ng mga kaso sa Visayas at Mindanao ayon sa DOH

Ang mga variants ng COVID-19 ang isa sa mga posibleng dahilan sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Visayas at Mindanao.

Ayon kay DOH Spokesperson at Usec. Ma.Rosario Vergeire, totoong may na-detect na drivers of infection sa Visayas at Mindanao, pero nilinaw ni Vergeire na meron pang multitude of factors o iba pang mga kadahilanan ang pagtaas ng COVID cases at hindi lamang mga variants.

Ani Vergeire, batay na rin sa mga ulat ay meron talagang mga taong naging kampante at hindi sumusunod sa minimum health standards at nagkaroon ng problema sa mga workplace at ilang bilangguan.

Pero giit ni Vergeire, kailangang tugunan ang COVID-19 variants para hindi na ito kumalat at dapat ding paigtingin ang pagpapatupad sa mga health protocol.

Tiniyak naman ni Vergeire na patuloy na binabantayan ng pamahalaan ang sitwasyon sa Visayas at Mindanao.

Ayon kay DOH Usec. Abdullah Dumala, nasa mahigit 30,300 ang active cases sa Visayas at nasa 40,400 naman ang aktibong kaso mula sa Mindanao, as of June 20.