COVID vaccination site para sa A4 category, binuksan sa Makati City

Pinangunahan ni Makati City Mayor Abby Binay ang pagbubukas ng bagong COVID-19 vaccination site, ngayong araw, para sa mga indibidwal na kabilang sa A4 priority group.

Pagsisilbihan ang A4 category sa ikatlong palapag ng Glorietta 5 Mall, na may daily target na 500 indibidwal kada araw na nagpre-register online.

Ayon kay Binay, inaasahan nila ang pagbuhos ng vaccine registrants sa ilalim ng A4 kaya ikinasa nila ang strategic partnership sa pribadong sektor.

Bukas ay bubuksan din ng city government ang isa pang vaccination site, na matatagpuan sa ikalawang palapag ng San Lorenzo Place mall sa Chino Roces Avenue.

Nasa 400 indibidwal ang kayang i-accommodate ng mall para sa pagbabakuna sa A4 group.

Ipinunto ng alkalde, na kailangang tiyakin ang mabilis at ligtas na vaccination sa economic frontliners, upang maipagpatuloy ang pagbangon ng mga negosyo sa lungsod.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 69,591 ang nakatanggap ng first dose sa Makati habang 36,357 ang fully vaccinated na.