COVID free barangay sa Lungsod ng Manila, halos dalawandaan na

Papalo na sa 174 mula sa 896 na mga barangay sa Lungsod ng Manila ang COVID-19 free.

Ito ang masayang ibinalita ni Manila Mayor Isko Moreno bilang update na rin sa kampanya ng lokal na pamahalaan, na bigyan ng reward ang mga barangay sa Manila na walang maitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa loob ng dalawang buwan.

Ang naturang kampanya ay nagsimula noong September 1, 2020, at inaasahang magtatapos sa October 31, 2020.

Nauna nang sinabi ni Moreno, na ang Lokal na Pamahalaan ng Manila ay magkakaloob ng P100,000 na cash incentive sa barangay na magtatagumpay sa kampanyang “zero new COVID-19 case.”

Ang pondo rito ay aabot sa P90 million.

Umaasa si Moreno na mapapanatili ng 174 barangays ang kanilang estado na COVID-19 free, hanggang sa katapusan ng October sa mga darating na buwan.

Sa kabila rin ng cash reward, sinabi ni Mayor Isko na sana ay madagdagan pa ang mga barangay na walang maitatalang bagong COVID-19.

Ang Manila LGU naman aniya, ay patuloy sa pagsasagawa ng mass COVID-19 testing, gaya sa mga manggagawa at PUV drivers na sinasalang sa swab testing, habang available pa rin ang drive-thru at walk-in serology COVID-19 testing.