COVID-19 vaccines sa Taguig City, di na aabutin ng expiry date bago magamit

Tiniyak ni Taguig City Mayor Lino Cayetano na hindi mababalewala ang bisa ng COVID-19 vaccines na dumarating sa kanila.

Ayon kay Cayetano, bagama’t nakatakdang mag-expire sa Hunyo at Hulyo ang mahigit 28,000 doses ng AstraZeneca na ibinahagi sa lungsod ay kakayanin nilang tapusin ang vaccination sa loob lamang ng pitong araw.

Nasa 2,000 residente aniya ang kanilang binabakunahan kada araw pero kakayaning taasan ang kapasidad.

Paliwanag ng alkalde, nagkakaroon lamang ng logistical issues partikular sa pangangasiwa ng apat na brands ng bakuna dahil hindi nila magagawang gamitin nang sabay-sabay sa iisang mega vaccination hub.

Gayunman, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng LGU sa national government para maayos ang problema at hinihikayat ang mamamayan na magpabakuna anuman ang brand dahil pare-pareho naman itong ligtas at mabisa.