“COVID-19 vaccine for sale,” tinututukan sa Parañaque City

Hinimok ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang mga residente na huwag mag-atubiling isumbong ang sinumang indibidwal na magtatangkang ipagbili ang COVID-19 vaccines.

Ayon kay Olivarez, nakatanggap sila ng ulat na may mga nagbebenta ng bakuna o nag-aalok ng kanilang slots sa vaccination program kapalit ng pera.

Libre aniyang itinuturok ang mga bakuna sa eligible residents sa lungsod.

Tiniyak ng alkalde na mananagot sa batas ang sinumang mahuhuling gumagawa nito.

Samantala, kinumpirma ni Olivarez na magpupulong ang Metro Manila Council para talakayin ang “brand agnostic policy” o kung isasapubliko pa ang brand ng COVID-19 vaccine na ituturok bago dumating sa inoculation site ang mga residente.

Magkakaiba kasi ang opinyon ng mga alkalde ukol dito bagama’t aminado si Olivarez na sa Parañaque ay mas maraming tao ang pumupunta sa vaccination sites kapag gusto nila ang brand ng bakuna.

Giit nito na sa halip na makatulong ay magiging super spreader pa ng COVID-19 ang vaccination program kung hindi lilimitahan ang mga tao.