COVID-19 vaccination sa mga menor de edad, sinang-ayunan ni Sen. Gatchalian

Suportado ni Senator Sherwin Gatchalian ang planong bakunahan na rin kontra COVID-19 ang mga menor de edad.

Ayon sa senator na chairperson ng Senate Basic Education Committee, makakatulong ang naturang hakbang sa pagbabalik normal ng sektor ng edukasyon, at sa ligtas na pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral.

Sinabi ni Gatchalian, na dapat nang pag-aralan ng ating pamahalaan kung paano nagbahagi ng mga bakuna sa mga bata at teenagers, ang ibang mga bansa gaya ng Estados Unidos.

Dagdag pa ng senator, dapat na ring maghanda ang mga lokal na pamahalaan para sa pagpapabakuna ng mga kabataan, at bahagi nito ang pagpapakilos sa mga health worker hanggang sa barangay level.

Dapat rin aniyang maging katuwang sa pagbabakuna ang mga paaralan, lalo na sa pagbibigay impormasyon sa pagiging ligtas at mabisa ng mga COVID-19 vaccine.