COVID-19 vaccination card sa Makati, nilagyan ng security features

Tiniyak ni Makati City Mayor Abby Binay sa publiko, na may nakapaloob na security features ang vaccination card na ipinamamahagi sa mga nabakunahan kontra COVID-19.

Ayon kay Binay, hindi mapepeke ang vaccination card sa lungsod, dahil mayroon itong watermark na makikita sa pamamagitan ng ultraviolet light at QR code.

Bumubuo din aniya sila ng sistema para sa fully vaccinated individuals na aalis ng bansa, kung saan maaaring i-download ang forms mula sa COVID-19 vaccination website, para sertipikahan na nakumpleto na ang dalawang doses ng bakuna.

Ipinunto ng alkalde, na magkakaiba ang bersyon ng vaccination cards ng local government units (LGUs), kaya maaaring nalilito ang ibang LGUs na tumatanggap ng biyahero.

Mas mapapadali ani Binay ang pag beripika sa vaccination cards, kung natuloy ang paglikha ng Department of Information and Communications Technology ng centralized vaccination record system, bago pa magsimula ang vaccine rollout.