COVID-19 testing para sa mga driver ng PUVs, ipinanawagan 

Isinusulong ni Senator Grace Poe na isailalim rin sa coronavirus disease (COVID-19) testing ang mga driver ng public utility vehicles (PUVs) o mga pampublikong sasakyan.

Ito ay upang maprotektahan ang kanilang mga pamilya at mga pasahero oras na payagan na silang mapabalik operasyon.

Ayon kay Poe, dapat ay may nakalatag nang mga safeguard at suporta para sa mga PUV driver kung sasabak na sila sa lansangan na may limitadong bilang ng pasahero.

Pero binigyang-diin ng senadora na sa pagsasailalim sa kanila sa mandatory COVID-19 testing, dapat ay wala itong kaakibat na gastusin para sa kanila.

Marapat rin aniya silang bigyan ng fuel at livelihood subsidy sa gitna ng mas maliit o kakarampot na kikitain nila sa pamamasada dahil sa pagpapatupad ng physical distancing sa ilalim ng ating ‘new normal’.

Kasabay nito ay muling nanawagan si Poe na ibigay na sa mga PUV driver ang pangakong ayudang hindi pa nakakarating sa kanila.

Malinaw aniyang wala silang mapagkukunan ng ikabubuhay sa kanilang hindi pagpasada.

Aniya, bilang mga magigiting na nakikipaglaban sa pandemic, inilalagay nila ang kanilang sarili sa alanganin upang tayo ay saklolohan sa daan at patakbuhin ang makina ng ating ekonomiya.

Kaya naman bilang kapalit ay dapat aniyang tiyakin nating pagkatapos ng bawat araw nilang pamamasada ay makakabalik sila sa kanilang mga pamilya nang ligtas at hindi lugmok sa pagkalugi.