COVID-19 testing ng PNP, sisimulan ngayong araw 

Sisimulan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang COVID-19 testing ng mga pulis na Persons Under Investigation (PUIs) at Persons Under Monitoring (PUMs) ngayong araw sa Camp Crame.

Ayon kay Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, PNP Deputy Chief for Administration at chairman ng bagong tatag na Admin Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF), ipinag-utos ni PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa ang pagtitirik ng walong booth sa Multi-Purpose Center ng Camp Crame para sa testing.

Bukod sa pagtatayo ng mga testing booth, napipisil din ng PNP-ASCOTF na gawin na ring quarantine area ang multi-level parking area sa harapan ng grandstand.

Ayon kay Cascolan, ang first floor ng parking building ay kanilang ilalaan para sa mga pulis na Person Under Monitoring (PUM) na asymptomatic o walang karamdaman.  Ang second floor ay para sa mga mild PUM, habang ang third floor ay para sa Less Severe Persons Under Investigation o yung mga may hindi grabeng karamdaman.

Bukod pa ito sa unang ginawang quarantine area ng mga pulis na PUI at PUM sa Kiangan Hall sa Camp Crame.

Sa huling ulat ni PNP Spokesperson PBGen. Bernard Banac kahapon, dalawang pulis na ang namatay sa COVID-19, 14 ang positibo sa sakit, 283 ang kinokonsiderang Persons Under Investigation, at 1,676 naman ang Persons Under Monitoring.