COVID-19 mass testing sa Pasig City, sinimulan na

Sinimulan na ring isagawa ang coronavirus disease (COVID-19) expanded testing sa mga suspected at probable cases sa Lungsod ng Pasig.

Ayon kay Mayor Vico Sotto, sa pakikipagtulungan sa The Medical City na binigyan na ng level 5 accreditation ng Department of Health (DOH), kaya ng magsagawa ng 270 COVID-19 tests kada linggo, kumpara noon na umaabot lamang sa 30-60 tests kada linggo.

Patuloy naman aniya ang ginagawang koordinasyon ng City Health Office at ng iba pang ospital sa Pasig, sa The Medical City para sa testing protocols.

Nilinaw naman ng alkalde, na hindi lahat ng residente ng lungsod ay isasailalim agad sa mass testing. Prayoridad pa rin aniya ang mga suspected case, base sa contact tracing at pati health workers na pangunahing tumutugon sa COVID-19 patients.

Nitong April 14, mayroon nang 205 confirmed cases ng COVID-19 sa lungsod, 45 ang recovery, habang 37 ang namatay.