COVID-19 Isolation facility, binuksan ng Makati LGU at PRC

Lumagda sa isang memorandum of agreement ang Lokal na Pamahalaan ng Makati at Philippine Red Cross (PRC), para sa pagkakaroon ng COVID-19 isolation facility sa Makati Science High School.

Iko-convert bilang isolation facility ang dormitoryo ng paaralan na may 56 na kwarto, kasama na ang silid na kasya ang isang pamilyang may sakit at pasilidad para sa babae, lalaki at gender-neutral.

Magkakaloob ang Red Cross ng beds at bedding materials at supplies, hygiene kits, tubig, palikuran, shower facilities at monitoring system para sa datos ng pasyente.

Imo-monitor din ng PRC medical personnel ang mga pasyente nang dalawang beses sa isang araw, at pangangasiwaan ang documentation at maintenance ng pasilidad, at magbibigay ng ambulansya sakaling kailanganin ang paglilipat sa ospital.

Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay, makatutulong ang isolation facility sa mga pasyenteng asymptomatic spreaders, na naninirahan sa maliliit na apartment o tahanang may iisang kwarto na nangangamba sa kaligtasan ng kanilang pamilya.

Pinasalamatan ni Binay si Senator Richard Gordon at ang Red Cross, lalo at kulang sa manpower ang lungsod sa kabila ng sapat na bilang ng pasilidad.