COVID-19 claims ng mga ospital, hindi pa rin nababayaran ng PhilHealth ayon sa PHA

Hindi pa rin nababayaran ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang COVID-19 claims ng ilang ospital sa bansa ayon sa Philippine Hospital Association (PHA).  

Sa pagdinig ng Senate committee on economic affaairs, ibinahagi ni PHA President Dr. Jaime Almora na ang mga unpaid claims na ito ay mula pa ng magsimula ang pandemya noong March 2020 at nagbubunga na ito ng problema sa mga ospital.

Ipinunto ni Almora na kung hindi nababayaran ang mga ospital ay hindi rin nababayaran ang serbisyo ng ating mga doktor na patuloy ang pagtugon sa mga pasyenteng may COVID-19.

Kaya bilang pansamantalang solusyon, may ilang ospital ang naglo-loan na sa mga bangko para sa kanilang operating budget habang ilan naman ay gumamit na ng kanilang mga savings at assets.

Ipinaabot rin ng PHA president sa mga senador na tanging ang mga non-COVID-19 claims lang ang napro-proseso at hindi ang mga claims para sa paggamot sa mga COVID-19 patients.

Nakipag-ugnayan na aniya ang PHA kay PhilHealth President at CEO Atty. Dante Gierran nitong April 8 at nangako aniya itong babayaran na ang mga ospital.

Katunayan, naglabas na aniya ang PhilHealth ng kautusan na nagtatag ng isang debit-credit payment mechanism para sa mga ospital sa NCR Plus bubble pero inaatasan pa rin ang mga pribadong ospital na mag-apply sa naturang mekanismo.